...

6 views

Parke


Naglalakad sa malawak na parke, nagmamasid masid si Jude sa kanyang mga dinadaanan, walang senyales na may pag ulan dahil walang mga ulap na makulimlim at ang katamtamang ihip ng hangin ang nagbigay sa kanya ng isang mapayapang pakiramdam.
Sa gitna ng kanyang pagmumuni sa pagkakataong yaon ay naalala nyang may kailangan pala siyang gawin… may naghihintay pala sa kanya sa may gawing dulo, sa malawak na damuhan na malapit sa bantayog ng isang bayani. Kaya’t nag mamadali siyang lumakad at nakipagsabayan sa madaming tao na namamasyal din ng mga oras na iyon.
Kinakabahan na dumating sa lugar na napag usapan… naisip nya na baka nahuli na siya sa oras ng pagkikita, niligid nya ang kanyang paningin… sa gawing kanan… sa gawing kaliwa… lahat ng nag daraan ay kanyang tinitingnan… “Nasaan na kaya siya?” Banggit sa sarili. Ngunit may biglang may kung sinong kumalabit sa kanyang likod, nagulat siya na si Helga na pala ito… ang naghihintay sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay hindi makapagsalita ng maayos si Jude dahil sa magkakahalong emosyon na nararamdaman niya at ang isip ay naging lutang dahil sa kasiyahan.
Napakaraming bagay na gusto niyang sabihin kay Helga, mga bagay na itinago’t pinag isipan niya ng ilang araw at ilang buwan kung paano niya ikukuwento ang mga nangyari sa buhay niya at kung kumusta na ang kanyang kausap na laman ng bawat gunita bago mahimbing. Sa gitna ng kanilang masayang pag uusap, bigla nyang narinig ang mga boses ng mga taong nag uusap at manok na tumitilaok… nang idilat niya ang kanyang mga mata ay nakita niya agad ay ang kanilang kisame sa bahay at matapos nito ay kinuha ang kanyang cellphone para tingnan kung anong oras na… mag aalas otso na pala ng umaga at sinilip nya din kung may mga bagong mensahe na maaaring dumating sa kanyang Messenger.
Ayaw man niyang makita ang mga mensaheng kanyang ipinadala noong makalawa ay dinala pa din siya ng kanyang mga daliri dito. Nakita niya na ang kanyang mensahe kay Helga ay di man lamang nito binuksan ni tiningnan. Maraming mensaheng ipinadala si Jude kay Helga mula pa noong katapusan ng Abril hanggang ngayong pangalawang linggo ng Mayo, ngunit ni isa sa mga mensahe nya ay hindi nito tiningnan. Nakaramdam siya ng kalungkutan. Pinatay ni Jude ang kanyang cellphone at nahiga ulit sa kanyang kama, ipinikit ang mata ngunit hindi na siya makatulog dala ng pagkainis na natapos ng mabilis ang mga nakita niya habang siya’y tulog at naisip niya na “Buti pa sa panaginip ay nagpaparamdam.”

June 15, 2020
1:32 PM

© Toothpick