...

6 views

Dugo at Pawis
Bilang isang agrikultural na bansa
Na sagana at mataba ang lupa
Magandang pagtamnan
At nagbubunga ng maganda tuwing anihan

Ngunit bakit mahirap ang buhay
Nilang nagkakakalyo ang kamay
Mga magsasakang nagtatanim
Sa umaga hanggang hapong madilim

Inialay ang buong sarili
Upang ang punla ay mapabuti
Ngunit paghihirap ay ibinabasura
Ng Panginoong may lupa

Tutubuan ng malaki ang ipinuhunan
Upang tamnan ang lupang mayaman
Lupang hindi sa magsasaka
Lupang kailanman ay hindi sa kanya

Pagkatapos ng anihan
Nabilad na't nahirapan
Ang kinita ay paghahatian pa
Para sa mga kagamitan at upa

Ang magsasaka ay halos walang naiuwi
Ang pera'y sapat para sa isang gabi
Pambili ng isang salop na bigas
Toyo ang ulam at saging na saba ang panghimagas

Kapag hindi pa anihan
Maghahanap ng mapagtatrabahuhan
Kung walang mahanap
Titiisin ang hirap

Hihingi ng tulong sa gobyerno
Daig pa ang pagong sa kupad nito
Kaya bubuo bg barikada't hanay
Sa harap ng Mendiola maghihintay

Ngunit ang iba sa probinsya
Sa malalayong lugar at hacienda
Kapag dumaing sa may kapangyarihan
Ay matutulad sa Kidapawan

Imbis na bigas ang ipagkaloob
Bala ay pinaulan, sa kanila'y nagpataob
Ngunit hindi ito ang magpapabagsak
Sa kanilang loob na hindi mawawasak

Dumilig man ang dugo sa lupa
Dumapa man sa hirap at dusa
Bumangon ka, manggagawang bukid
Halina't ibagsak ang mga balakid.
© Toothpick