...

9 views

-CHAPTER 1-
Manila, Philippines 2019 8+

Ika labing anim ng Nobyembre at hikahos na agad ang binatang si Raim. 27 anyos. Kagagaling lang nya sa Day off at wala na syang pasenyang simulan ang trabahong panggabi.

Masakit ang katawan, mainit ang dugo na animo'y nagbabaga o kumukulong putik sa loob ng kanyang systema. Ilang araw na syang hindi nakakatulog.

Buntong hininga syang lumabas ng silid.

Tapos na syang maghanda para sa pagpasok sa trabaho.

Tapos na rin ang mga ritual na itinutulak ng kanyang utak para ulit uliting gawin.

Ligtas ka na Raim.

Patay na ang kalan.

Patay na ang ilaw.

Nabilang mo na yung mga bariya sa bulsa. 1 0 1 0 1 1 1 1. Hindi tumigil ang utak nyang mag bilang.

1, 2, 3, 4. Huminga. 5. 1 1 0 1 1 1 0 1 Mga ilang beses na nyang dinalawang sipat kung naikandado nya ang pintuan. Ligtas ka na. Sabi sa sarili para paalisin ang mga walang basehang pangambang igigiit ng utak. Isa, dalawa, isa, isa.. patuloy na nagbibilang ang utak nya. Nagkukusa.

Tagumpay nyang nilisan ang bahay, para salubungin ng mas mahirap na balakid.

Kinakailangan nyang tahakin ang isang mahabang byahe.

Mahaba ang listahan ng binata. Puno ng mga bagay na ayaw nya sa tuwing papasok ng trabaho, mula sa kaligtasan sa loob ng kanyang silid sa Las Piñas patungong Makati.

Elevator.

Pagsakay sa crowded na bus, jeep, lrt, mrt.

Makakita ng kumpol na tao sa kalsada na nakatingin sa kanya.

Pinapataas nito ang alarma sa utak.

"Pa-cute". Isang grupo ng batang babae ang nagparinig sa binata. Grade 9. Mga Estudyante. Napansin ni Raim na intense na naman ang pagtitig nya sa mga nakakasalubong. Mabigat ang balikat at parang may cellophane ang mukha. Naninigas ang mga kalamnan sa palibot ng mata. Hindi nya makontrol ang mga compulsion na ito ng katawan. Compulsions na nakakaapekto sa ibang tao na syang dahilan ng kanilang mga negatibong reaksyon sa kanya.

Defence mechanism. At ito ang pinaka nagbibigay ng sakit sa kanyang puso. Ang rejeksyon ng mga tao. 1 1 1 0 1 1 1 0 1 ...

"ID sir? Bag inspection din po". Nahimasmasan sya ng marinig ang Security Guard sa bungad ng gusali kung saan sya nagtatrabaho. Isa sila sa mga nasabing mahabang listahan nya. Hindi siya galit sa tao, ngunit sa mga protocol na kanilang sinusundan. Kalimitan nyang nararamdaman o marahil ay ipinaparamdam ng kanyang utak na sya ay pinagsususpetsahang magnanakaw o masamang tao ng mga ito dahil sa intense na reaksyon. Isang histerikal na pangamba. Illogical. Hindi tuloy mapigilang isumpa ang sarili. O matakot sa sarili.. Lalo na't mas masidhi ang kanyang tic o compulsion sa araw na ito dahil sa mga nangyari 20 oras na ang nakalipas.

Marahil ay natuluyan nang nawala ang katinuan ng utak. Tahimik na naglalakad si Raim kahapon ng gabi ng maaninag nya ang liwanag.

Kalimitan syang gising ng madaling araw dahil sa maraming bagay. Trabaho, body clock, makaiwas sa mga tao... Malamig ang hangin at naaayun ito sa nalalapit na kapaskuhan na syang naging dahilan upang isipin ang mga plano nya sa nasabing okasyon... At hindi ito biglaan, pero hindi maitatangging nagulat ang binata sa unti unting pagsulpot ng aparisyon mula sa kawalan, kaya nabitawan ang mga biniling dalahin mula sa 7eleven.

"ID sir?". Bumalik na naman ang isip nya sa kasalukuyan. Malapit na sya sa gate at di nya pa nasusuot ang kanyang ID. Gulilat nyang ginalugod ang loob ng bag para hanapin ito ngunit tila naghahanap sya ng maliit na bato sa isang bilao ng palay. Inis nyang tinignan ang bulsa ng bagahe.

Ramdam na niya ang tingin ng mga tao. Ito ang pinaka ayaw nyang maramdaman. Ang maging sentro ng atensyon. Inis sya sa mga pagkakataong ito sapagkat para bang nananadya ang sanlibutan para magtagal sya sa ganoong sitwasyon.

Nasaan ka na. Nasaan ka na!

Kaginhawaan ang naramdaman ng makita na rin ang hinahanap.

Sa tuwa'y naitaas nya ang ID na animoy ulo ng napugutang kalaban.

Nga lang, napalitan agad ng sindak ang pakiramdam ng mapansin nya ang isang lalaking nakatitig na sa kanya.

5'7", may katangkaran na ito para sa isang pinoy. Pero mas matangkad ng bahagya si Raim. 5'10". May kaputian ang lalaki at sya nama'y kayumanggi. Naihalintulad din ng binata ang kanilang ilong. Hindi man matangos ngunit hindi rin sobrang pango.

Sa distansya ng dalawa, masasabi ng binatang si Raim na ang lalaki ay may itsura dahil sa makinis nitong mukha, unat na maikling buhok, balbas na dugtong sa patilya at di man kamaskulado ay masasabi mong proporsyonado nitong katawan. Kabaligtaran ng kanyang kulot na buhok, walang balahibong mukha at sobrang matabang katawan.

Nga lang ay hindi ito nakatulong para hindi matakot ang binata na ngayo'y nakapila na tungong loob ng gusali. Ang lalaki ay tila madumi o walang ligo. Meron din itong gusgusing damit. Isang taong grasa.

Mas sumidhi ang pagtingin ng lalaki. Desperado sa atensyon ni Raim.

"Ma'am sa kaliwang room lang po, para kumuha ng visitor's pass. Sa 4th floor kayu pupunta mamaya para sa aplikasyon nyo". Turo ng guard sa isang ginang.

Pinilit ni Raim tumitig sa sementong sahig ngunit ramdam nya ang tingin ng lalaki na tumutusok sa kanya.

Ipinikit nya ang kanyang mata. 1 1 0 1 1 0 1 1 1 1 .. Hindi ito nakatulong.

Tila isa siyang tudlaan na pinagtutulungan ng lalaki at ng kanyang sariling utak. Walang takas.

Umagos ang pila, humakbang ng tig-isa ang lahat sa unahan maliban kay Raim na syang ikinagalit ng iba sa likuran. Lalo nitong hinigit ang Atensyon ng mga tao sa palibot tungo sa kanya.

Sumikip ang dibdib ng binata. 1 1 1 1 1 1 0 1 1 1 1 1. Kinailangan nyang uminom ng tubig para pakalmahin ang lalamunan. Kung hindi'y mahihirapan syang huminga. Hyperventilation. Nangyari na ito ng ilang beses.

Ngunit hindi nya magawa ang ka-simpleng bagay na abutin ang bote ng tubig sa loob ng kanyang bag.

Naka-alarma na ang katawan nya sa lalaking nakatitig na parang leon. Nagmamasid sa kanyang pagkaing daga. At sya naman bilang isang prey ay nanlalamig lang na parang bangkay.

Nagbilang ng nagbilang ang utak ni Raim para mapakalma ang panic na nadarama. Ilan ang tuldok o uka sa pader? Ilan ang tiles sa sidewalk? Ilang ibon ang humuhuni?

1 1 1 1 0 11 1 0 1 1 0 1 1 1 1 1
0 0 0 0 1 1 1 0 1 1 1
1 1 1 1 1
1 1 1 1 1 0 0 0 0 1 1 0 1 2 1 0 1 0 0 0
1 0 1 0 1 0 1 1 1 1
111
0
1

"Ugh". Ninais nyang takpan ang teynga ngunit wala naman itong maitutulong upang patahimikin ang sumisigaw na utak.

Mamasa-masa ang paligid ng mata. Tuluyan na nyang ipinako ang paningin sa sahig.

"ID?" Tinapik ng guard ang kanyang kamay habang nakasimangot, nagsususpetsya sa wirdong kilos ng binata. Matapos ay iwinawasiwas ang hawak nitong patpat para ipabukas ang kanyang bagahe para usisain. Daling tumugon si Raim at tumakbo papasok at maligtas sa panganib.

Malamig sa loob ng malawak na elevator lobby. Modernong disenyo at puno ng wall cladding. Sapat na ang pampublikong parteng ito ng gusali na aluin ang sino mang hindi nakakaramdam ng seguridad laban sa mga sitwasyong tulad ng dinanas ni Raim. Isang binatang may OCD, blooming paranoia at social phobia.

Pakunwaring nag-focus si Raim sa paghihintay nya sa elevator. Ngunit matapos ang ikatlong pagbukas at pagsara ng automatic na mga pintuan ay animoy bato pa ring ninanamnam ng binata ang malamig na marmol na pader sa kanyang palad kung saan sya nakasandal.

Dahan-dahan syang sumulyap sa likod kung nasaan ang matipunong taong grasa ngunit hindi na nya ito maaninag pa.

Huminga ng malalim ang binata at nagkunwaring okay lang ang lahat.

###############################################

Dumaan na ang bagong araw at nagsisimula nang magtanghali at naghanda na si Raim para umuwi. Mangilang beses parin nyang naaalala ang nangyari papasok kagabi...

Ngunit di sya magpapatinag sa pangamba sa kawirduhan nang taong grasa. Sa kadahilanang Ito ang pinakapaborito nyang parte ng araw ng mga oras na yun, sapagkat ilang minuto na lang ay makakatulog na rin sya.

Dagdag pa na walang masyadong tao sa kalsada't kakatapos lang ng rush hour!

Ngunit bilang maingat na tao, walang plano ang binata na baguhin ang routine sa araw araw na paguwi..

Dadaan sya sa mga sikretong bangketa o likuan kung saan walang tao. Mas mahaba man ang lalakarin ay sulit pa rin. Ang mahalagay maging komportable ang kanyang isipan. Ang masatisfy ang kaligtasang hinihingi ng kanyang mental illness. Nang kanyang OCD. Nang kanyang social phobia.

Iba ang prayoridad ng mga katulad nya. At tyak syang walang normal na tao ang makakaunawa.

Iba ang mundo ko sa kanila.

Pagpapa-alala nya sa sarili. At sa kung ano mang rason, nagbibigay ito ng malaya o mapayapang pakiramdam.

Sa mga ganitong oras marami ang dumadaan sa East St. Tungong courtyard drive. Tinahak ni Raim ang basement one ng gusali, G5 para tumawid tungong G4. Nakaka-kilabot ang basement parking lot. Animoy isa ito sa mga lugar na makikita mo sa mga marahas na horror/action video games na tulad ng Silent Hills. Puti man ang pader sa pintura ngunit animoy grey ito dahil sa makapal na alikabok at namuong grasa mula sa mga tambutso ng mga nakaparadang sasakyan.

Kumikislap kislap ang liwanag ng flourescent lamp. Ibat-ibang anino ang bumubuo sa ibat-ibang hugis mula sa tambak na mga sirang appliances tulad ng office chairs at lamesa. Ngunit sanay na ang binata dito. Mas gusto nya ang katahimikang ng paligid. Ninanamnam nya ang kalmadong timbre ng mga HVAC system o malaking parte ng exhaust ng aircon ng gusali.

---------------------------------------------------

Sinubukan ng binatang sumipol para lalong pasayahin ang magandang araw ngunit nabigo.

Una'y hindi sya marunong..

at pangalawa'y nagulat sya sa aparisyon sa dulo ng kanyang daan.

Isang mala sepyang anino ang bumuo sa isang malaking Lalaki.

###############################################

Sa bawat paghakbang ay mas naging malinaw na ang anino sa daan ay ang parehong lalaki kagabi.

Maraming emosyon ang bumalot kay Raim ngunit mas nangibabaw ang pagkapagod at poot sa mga ganitong sitwasyon.

Ilang beses na nyang napagdaanan ang mabully, naholdap, magantcho o manakawan.

Isa syang easy target. Mahinang nilalang. At pagod na sya rito.

Mahigpit na hinawakang ang bag, itinago ang wallet sa kailaliman sa loob. May vendetta nyang sinugod ang pintuan palabas kung nasaan malapit ang aparisyon ng kanyang galit.

Ipinangako sa sarili na gaganti sa kung anu mang ipukol sa kanya. Na papatay kung kinakailangan. Wala syang takot sa siriling buhay sa tagpong iyon. Puno ng motibasyon ang binata mula sa mga nagsama-samang sama ng loob ng nakaraan.

Papalapit ng papalapit, pahigpit ng pahigpit. Nanggagalaite..

Ngunit sa bawat hakbang ay mas lumilinaw ang imahe ng lalaki. At marahil sa ito ang unang beses na talagang nasilayan ang lalaki'y nakita ni Raim ang tunay na depinisyon ng anino.

Biglaan'y hindi na sya siguro sa nararamdaman..

Isang mama ang napadaan sa gilid ng taong grasa mula sa pintuan sa kanyang tabi at nakita ni Raim kung paano ito nangatog o napakislot.

Ang maputing balat ay maputla pala. Pawisan, hindi mapakali o may nerbyos. Intense ang pagtingin ngunit blanko ang mata na parang nagsusumamo.

Napalitan ng awa ang puso ni Raim.

"Anong diagnosis sayo ng doctor mo? At bakit mo ako sinusundan?". Tanong ni Raim ng marating ang harapan ng lalaki.

Social phobia kaya? Tanong sa sarili.

"Member ka ba ng ADSP?" Pasunod nyang tanong ng hindi sumagot ang lalaki.

Naglayas kaya? Haka-haka ni Raim.

Ilang beses na rin nyang nagawang tumulong isa ibang myembro ng kanilang groupo. Karamihan sa kanila ay lumayas o pinalayas.

Pinalayas dahil pabigat na o kaya'y kinakatakutan na.

Lumayas dahil hindi na sila ligtas sa sariling bahay. May ilang kaibigan na syang ikinakadena o tinatago ng magulang dahil sa kahihiyan o takot. Napailing si Raim sa kung gaano ka ignorante ang mga pinoy sa pagtrato sa mental na karamdam sa panahong ito ng modernong medisina.

Tumitig si Raim sa sahig para magisip. Dumami na ang mga taong dumadaan sa tabi nila. Break time na. Napuna ng binata kung gaano kawalang kibo ang lalaki. Animoy nagninilay para panatilihin ang sariling bait. O ano mang oras ay madudurug sya na tulad ng kumpol ng buhangin sa dalampasigan mula sa nasirang kastilyong buhangin.

At sa kabila ng paghihinagpis na yun ng lalaki, ay tila isa lang syang aparisyon sa mga nagdadaang tao.

Walang pumapansin.

Nakapagdesisyon si Raim.

"sir". Buntong hiningang hamo ng binata at inabot ang kamay sa taong grasa.


###############################################

Sa kanyang bahay, matapos nilang makauwi. Hindi makapaniwala si Raim kung gaano sila magkapareho ng lalaki.

Di man sila naguusap ay naobserbahan nya ito.

Pareho ang reaksyon nila sa mundo, kaya naging malaking tulong sa lalaki ang mga ruta na dinaanan nila sa pagbyahe. Sa tagpong ito naipaalala ng lalaki na hindi nagiisa si Raim.

"Salamat Raim". Tugon ng lalaki. Animoy nag-180 degrees ang personalidad nito. Nanghihina pa rin, ngunit nawala na ang kaputlaan. Normal ito para sa katulad ng kaso nya na may phobia sa mga tao. Sa huli'y isa lang syang normal na tao, na dinapuan ng karamdamang Social Anxiety.

Ang problema'y ang kanyang pagkapamilyar sa pagkatao ni Raim.

Gusto sana nyang itanong muli kung paano nito nalaman ang kanyang pangalan. Marami syang gustong itanong. Pero makapaghihintay ang mga bagay bagay. Alam nya ang prayoridad sa mga tagpung iyon.

Sanay na syang tumulong sa mga myembro ng grupo. Alam na nya ang mga dapat gawin.

"Hmmm... Hindi muna kita uusisain sa kung anong nangyayari. Alam kong ilang araw ka nang walang kain at ligo. Pero isa lang ang hiling ko. Wag-".

"Pangako kong hindi gagawa ng mga bagay na makaka apekto sa mga Complusyon mo". Pagputol ng lalaki.

"Ako si Mauricio Patanghoy. Maraming salamat". Pagdugtong nito. Namamasa ang paligid ng mata. Nalaman din ni raim na ang lalaki ay 21 pa lang.

"Compulsions". Pagtatama ni Raim kay Mauriscio, habang umiiwas ng tingin. Isa sa listahan nya ang eye contact. Pero higit sa lahat ay ayaw din nyang makita ang emosyunal na mukha ng lalaki sapagkat baka maapektuhan sya nito.

Pinaghainan ni Raim ang bisita. Sumubok itong tumulong sa kanya ngunit tumanggi sya. Kinailangan ng lalaki ang magpahinga. Inutusan na lamang nya itong maligo.

Kakaiba, sapagkat hindi pamilyar si Mauricio sa paggamit ng shower o flush. Nanlaki rin ang mata nito ng makita ang kanyang cellphone at laptop.

Tila nabuhay ito sa sinaunang panahon. Marahil ay hindi sya nalantad sa mga ganitong bagay. Lalo na kung ang nagdaang buhay nya ay sa loob ng isang kulungan.. mental na ospital, o baka sa basement ng kanilang bahay. Paghahaka-haka ni Raim.

Ng matapos ang araw ay napagdesisyunan nilang tawagin si Mauricio sa palayaw na Mao.

###############################

Masipag pala si Mao. Alam nya ang mga gawaing bagay maliban sa paggamit ng microwave. Tila takot sya rito.

Hindi sya masalita. O hindi talaga nagsasalita. Lagpas na ang apat na linggo at hindi pa rin kilala ni Raim ang kakuwarto.

Pero masaya naman sya na naging istable na ang kaisipan nito. Minsan ay nahuhuli pa nya itong ngumingiti sa mga bagong tuklas sa loob ng kanyang bahay.

Nga lang ay ni minsan ay hindi ito lumabas. At hindi ito mabuti para sa lalaki. Kailangan nya ng expossure sa mundo o habang buhay na nyang tataguan ito.

Nagaalala din sya tuwing gabi. Sapagkat hindi ito nakapagbibigay ng katahimikang kinakailangan ni Mao para maghilom.

Kalimitang nagigising si Raim sa ungol ng lalaki. Kalimitang nagigising si Mao dahil sa takot sa kung ano mang napapanaginipan. Matapos ay magkakaroon sya ng sinat na mala mahikang nawawala sa umaga.

Nauuwi ang mga gabing iyon, sa pagaalala ni Raim sa kanilang dalawa. At kung ito na ba ang magiging buhay nya mula ngayon.

Takot sya sa responsibilidad.

Walang ka myembro ng kanilang grupo, ang Anxiety, Depression and Social Phobia ( isang lihim na grupo ng mga tulad nilang may mental na karamdaman) ang nagtagal ng ganito sa bahay ng nya.

At kahit pa sa kung anong kadahilana'y naging panatag agad ang loob ni Raim kay Mao..

O kahit pa na malaking tulong ang lalaki sa gawaing bahay.

O kahit pa na sanay na syang nakikita ang lalaki sa araw araw na pag-uwi na syang nakakabawas ng pagod nya sa trabaho'y hindi pa rin nito maaalis ang takot..

Hindi nya kilala ang tao.

Isang parte ng kanyang utak ang sumisigaw ng "entremetido" at tumuturo sa lalaki na muli'y umuungol sa kanyang banig sa kabilang dako ng silid.

Entremetido, isang tao na walang paalam na pumapasok sa pribadong lungga ni Raim.

Isang Intruder.

###############################

"Saglit". Pagaalo ni Raim kay Mao. Pinapatahan gamit ang malalim at banayad na timbre ng kayang boses na para bang nangungusap sa isang sanggol.

"Ina!" Ito ang isa sa mangilan-ngilang beses na nagsalita ang lalaki mula ng matanggap sa bahay na ito. At nagiindika kay Raim na ang gabing iyon ay di tulad ng mga nakaraan.

Hindi panaginip, ngunit bangungot ang nangyayari kay Mao.

"Mao.. Mao!" Walang reaksyon.

"Si Raim ito.."

"Ina.. Ina!" Biglang nag kumbulsyon ang lalaki. Halos nakakapaso ang balat sa init. Ayaw magising, na syang ikinatakot ni Raim.

Madaling araw noon at sila lamang ang tao sa mundo. Hindi nya makolekta ang sariling pagiisip.

1 1 1 0 0 0 1 1 0 1 0 1 1

Yumanig ang mundo, ang paningin ni Raim.

Inatake sya ng compulsion na magbilang.

Hindi sya nakakatulong kay Mao, bagkos ay nakadagdag pa ito sa iniinda. Ramdam nya ang kahinaan ng pagiisip.

Sino ang niloloko mo? Hindi mo kayang tulungan ang sarili. Ang iba pa kaya? Paghahapis sa sarili.

1 1 1 1 0 0 0 0 1 1

Nais nya patahimikin ang lahat. Ang patahimikin si Mao. Ang patuloy na pagiyak nito ang simbolo ng kanyang kahinaan.

Wala syang kayang gawin dahil wala syang kwenta. Mahina. Nagsimulang umatake ang mga demonyong bulong sa kanyang kaisipan.

"Mao!" Gusto nya itong maging ligtas sa kung anong panganib na iniinda. Gusto nya itong tumahimik para sa kanya.

Gusto nyang tumigil ang pag yanig ng mundo.

Ang pagyanig ng kanyang paningin.

Ang alisin ang lagnat, ang karamdaman ng lalaki.

1 1 1 1 1 0 0 0 1 Nagbilang nang... nagbilang.. nang nagbilang ang utak ni Raim..

Sumuntok si Mao sa hangin. Ngunit mabuti'y naabot ni Raim ang kanyang kamay at napansing halos kaya nya itong baluting ng sariling palad.

Kailangan nilang tumigil.

Kailangan nilang hindi gumalaw sa pwesto.

Kailangan nyang huminga. Kailangan kong huminga.

Niyakap ni Raim si Mao mula sa likod, habang nakaharap ang lalaki sa pader kung saan na muntik umabot ang kamao.

"Shhh.. shh.. inhale exhale.. huminga ka Mao. Andito ako.."

Ikinulong ni Raim ang mukha sa pagitan ng baba at balikat ni Mao para pigilan nya itong iumpog ang sarili sa sahig. Animoy magsing irog na naglalampungan.

"Shh..." Nang hindi na gumagalaw ang kamay ay itinuon naman nya ang pagkapa sa dibdib nito tungong lalamunan para masiguradong humihinga si Mao ng marahan.

Muli nyang inayos ang unan at banig para iayos ang katawan ng lalaking kasambahay.

Hinawakan nito ang batok para ipasok ang unan sa ibaba ng bumukas ang mata ni Mao.

Umiilaw!

Umiilaw ang mata ng kaibigan nya. Mistulan itong flashlight sa dilim ng silid tulugan.

Sa halip na mata'y puro kaputian lang ang naaninag ni Raim sa mga mata ni Mao. Ang gitnang bahagi na dapat itim ay animo'y liwanag lang nang maliit na ilaw ng sasakyan.

Sa nakita'y nagmistulang istatwa si Raim.

Ngunit kahit hindi makakilos ay naramdaman nya ang pwersa na humihila sa kanya patungo sa imahe.

Sa mga imahe sa mata ng kaibigan.

Nagbago ang puting liwanag. Animoy isang telebisyon na ito, sa maliit na dalawang screen.

Maliit ngunit papalaki. Unti-unti itong lumaki at sumakop sa paligid. Bumalot sa silid.