...

1 views

Mga Salitang Hindi Nasambit (Filipino Poem)
Ilang taon na ang lumipas
Ilang pagkakataon na rin ang pinalampas
Dahil sa tuwing mga salita ko’y nagpupumiglas
Tila walang boses na lumalabas.

Akala ko'y sa pananahimik ako magiging payapa
Akala ko’y makabubuti ang hindi pagpapahalata
Ngunit… akala ko lang pala
Akala ko lang pala.

Sa wari ko’y, ganito yata talaga ang tadhana?
Patitikimin ka ng saya dahil sa sumibol na pag-asa
At kapag ninanamnam mo na nang maiigi ang kaniyang timpla
Mapagtatanto mong hindi pala para sa'yo ito kaya tumigil ka na… dahil pag-aari ito ng iba.

Kapag ang katotohanang ito ang gumising sa ilusyong pinilit mong buoin
Ang tanging magagawa mo’y humikbi at itong realidad ay tanggapin
Na sa kahit saang kalawakan kayo ng buhay na ito dalhin
Kailanma’y hindi kayo para isa’t isa— magsanib pwersa man ang mga butuin.

Hindi na mabilang ang mga salitang nais kong masambit
Marami nang naipong pagtatapat… at hindi man lang ito dumaplis o kahit sa'yo man lang ay kumalabit
Ikaw ang sigaw at iniibig kong higit
Ikaw ang imposibleng binigay ng langit.

Hinayaan kong malunod ako sa isang ilusyong walang kasiguraduhan
Hinayaan kong lumipas ang mga araw na sa mga ligaya ko’y ikaw ang dahilan
Kahit alam kong sa dulo ng pisi ng ilusyong ito’y may hangganang nakalaan
Hindi ako huminto… hanggang sa ang ilusyong ito na rin ang naging sanhi kung bakit ngayon ako’y nasasaktan.

Ngayo’y pinipilit kong itulak ka palayo
Pilit kong iniinda ang pagpilat ng mga hibla ng damdamin ko habang sa iba’y ngumingiti ka nang patago…
Dahil akala ko ito ang tama…
Akala ko’y makawawala ako sa ilusyong ginawa kong libangan pero… hindi pala.

Sa kagustuhan kong maging masaya ka at maging masaya ako para sa'yo
Hinayaan kong ako’y maging tila isang nauupos na kandila at natutuyong gripo
Hinayaan kong lamunin ako ng panaginip na pumipigil sa akin para lumayo
Hinayaan kong manatiling lihim ang mga salitang dapat binibigyan ng kibo
Hinayaan kong manatiling sa akin na lamang ang hinanakit para sa ikabubuti mo.

Paalam.
© akiroxx