...

7 views

Sa Aking Ginoo
Sa Aking Ginoo

Heto na.
Sisimulan ko na.
Ika’y ipakikilala na.
Ako’y susulat ng sandaang kataga
Guguhit ng hindi mabilang na letra
Aawitan ka sa pamamagitan ng tula.
Kahit ang totoo,
Hindi ko alam kung saan ako magsisimula
Ngunit heto na at walang dapat ikabahala
Sapagkat panulat ko ay handa ng lumuha.

Hayaan mong itago kita sa pangalang “Ginoo”.
Hayaang mong isalaysay ko sa mundo ang ating matamis na kwento.
Hayaan mong malaman nila ang nararamdaman ko.
Hayaan mong maintindihan nila kung ano talaga tayo.

Ginoo.
Sa ating unang pagkikita ay nagtama agad ang ating mga mata.
Agarang nakaramdam ng kakaiba kahit ika’y hindi pa kilala.
Sa paraan ng iyong pagtitig tila ba ikaw ay nang-aakit.
At sa isang iglap lamang alam kong ako’y mapapaibig.

At nagsimula na nga.
Ako’y araw araw na nabihag sa ilalim ng iyong mga bitag.
Hindi ko na alam ang aking gagawin sa tuwing nandiyan ka na’t nakatingin sa akin.
Alam mo ba ang pakiramdam?
Na sa tuwing nandiyan ka ako’y ‘di mapakali
At kung wala ka ako nama’y nawawala sa sarili.
Marahil ay hindi mo alam.
Marahil ay hindi mo nararamdaman,
Habang ako bigla bigla....
Naramdaman ko’y biglang lumala.
Ako’y kinikilig sa tuwing ika’y umaawit.
Ako’y natutunaw sa paraan ng iyong pagtitig.
Ako’y nababaliw sa tuwing boses mo’y naririnig.
Ngunit aking Ginoo, maaari bang magtanong?
Ano nga ba ako sayo?
‘Pagkat tayong dalawa ay tanto kong hindi sigurado.

Lumipas ang isang araw.
Ang dalawang araw.
Tatlo.
Apat.
At nagpatuloy ang isang sitwasyong hindi ko maintindihan.
Yaong para bang tayo’y nagmamahalan sa pamamagitan ng simpleng pagtitinginan.
Yaong para bang mga mata mo’y may sinasabi
Gustong isigaw at ipaalam sa akin ang isang mensahe.
Ngunit tila pa pareho tayong takot.
Na kahit tadhana sa atin ay hindi naman nagdaramot
Ayaw nating magsalita ‘pagkat pangamba sa atin ay bumabalot.
Subalit aking Ginoo, maniwala ka
Kung alam ko lamang ang pangalan mo
Ipagsisigawan kong nabihag mo ang puso ko.

Tama.
Wala akong alam tungkol sa’yo.
Kung ano nga ba ang pangalan mo.
Kung ilang taon ka na o kung may laman na ba ang puso mo.
Wala akong alam.
Tulad ng wala akong alam kung bakit ko ‘to nararamdaman.
Tulad ng ‘di ko alam kung paano ka mabilis na pumasok sa damdamin
O kung sa akin rin ba ikaw ay may tinatagong pagtingin.

Hanggang isang araw ako’y bigla na lamang natawa.
Nakakatawa dahil bigla ka na lamang hindi nagpakita.
Nakakasakit dahil bigla ko nalang ‘di narinig ang ‘yong mga awit.
Pero teka lang,
Ikaw nga ba’y umaawit ngunit hindi para sa akin?
Ikaw nga ba’y tumititig ngunit walang ibig sabihin?
Ginoo, pakisagot naman sapagkat ako ngayo’y nangangamba
Nakakapangamba dahil ‘di ko alam kung nasan ka na
At lalong hindi ko alam kung ako’y hinahanap mo rin ba.

Wala akong alam.
Katulad ng wala ka ring alam.
Wala kang alam na ako’y patuloy paring nag-abang.
Sa lahat ng pagkakataon.
Sa umaga at sa hapon.
Maging sa lamig ng gabi ako ay nagpapalamon.
Makita ka lang.
Masilayan ka lamang.
Nagbabakasakaling maging ikaw ay nais ring makita ako
Na baka nag-aabang ka lamang sa paglabas ko ng pinto
Na baka ako’y palihim mo paring tinititigan sa malayo.
Na sana
Katulad ko
Mahal mo rin ako.
Ngunit parang malabo.
Parang ang hirap magkatutoo.
Dahil tulad ng hindi ko alam kung anong pangalan mo,
Habang buhay na lamang siguro kitang tatawagin sa pangalang, GINOO.


© Ema🌺