...

1 views

Inuunawa. Iniintindi (Part II)
Inuunawa. Iniintindi.
Ganyan naman tayo palagi.
Hindi na tayo magkasundo.
Mistulang may pader sa pagitan at patuloy tayong lumalabo.

Dumaan na ang isang bagon ng tren ngunit tulala parin tayo.
Walang kumikilos at para bang oras ay huminto.
Parehas walang imik, walang masabi.
Gustuhin mang sumigaw sa galit ay para tayong pipi.
Sa ating argumento'y bulag ang mga sarili.
At sa ingay nang ating paligid ay mistulan tayong bingi.
Na kung tutuusi'y hindi naman tayo ganito dati.

Natatandaan mo pa ba kung gaano tayo noon kasaya?.
Na sa simpleng date lang tayo sa kanto nagkakasya.
Minsan pa nga kahit parehong butas ang ating bulsa,
Basta't magkasama lang tayo't hawak ang kamay ng isa't isa'y sapat na.

Ngunit bakit ngayo'y parang may nag iba?.
Na bakit nauuwi sa pagtatalo sa tuwing magkikita.
Na ang isang maliit na bagay ay napapalaking bigla.
Hanggang sa ang pader sa pagitan nati'y mistulang kanser na lumalala.

Ilang beses lumalaban. Ilang beses nagpapasensiya.
Pero bakit lahat ng pagsasakripisyo ko'y hindi mo makita?.
At bakit parang sarili mo lamang ang 'yong inuuna.

"Ayoko na!. Parang wala kang ka-plano plano".
Hindi ko na kayang kimkimin pa ang sama ng loob sa'yo,
Kaya't naibulalas ang hinanakit na itinatago.
'Pagkat pilitin mang ika'y mag bago,
Mas mahalaga parin sa'yo ang pansariling pangarap mo.
Na wala na palang ikaw at ako,
Dahil puro nalang pala ikaw at sa'yo.

At ang pader sa pagitan nati'y patuloy pang lumalaki.
Hindi na matibag kagaya ng dati.
'Pagkat mas pinipili nating 'wag nang ayusin pa,
Ang mga bagay na alam nating may lunas ngunit nawala na ng gana.

Inuunawa. Iniintindi.
Katahimikan sa pagitan ng dalawang taong masaya sana dati.
Pero ngayo'y parang hindi na kilala ang isa't isa, pati na ang mga sarili.
Inuunawa. Iniintindi.


11.05.2018
K.A.
© All Rights Reserved