...

3 views

Agos
Sa bawat agos, ako'y patuloy na nagpapatangay.
Nagpapatianod, nagiging silahis ng mga lihim.
Tila ako'y dinadala ng di-maarok na daloy, na parang tadhana’y sumasailalim, tahimik na sumusunod sa alon ng kapalaran.
Ang pintig ng puso’y alingawngaw ng tulang hindi kayang bigkasin,
mga salitang bumabalot sa dibdib, sa kailaliman ng damdamin nais ilihim.

Hindi ko kayang sambitin ang iyong ngalan nang walang init ng pagnanasa,
sapagkat ikaw ay higit pa sa pangarap, higit pa sa pangarap na nais makamtan.

Ikaw ang bituing natatago sa likod ng ulap na walang hanggan,
simoy ng hangin na damang-dama ngunit 'di mahahawakan.

Sa tuwing dinadala ng agos, ikaw ang aking hilaga, patuloy na sa'yo ako’y umaasa.
Hindi alipin ng pag-ibig, ngunit tila biktima ng kapalaran.
Ang presensya mo’y animo'y nagpapatigil ng agos ng mundo.
Araw-araw palaging nariyan, 'di ko kailanman matakasan.

Sa bawat tagpo, naglalayag sa alon ng mga tanong—ikaw ba’y kapalaran o sa panaginip ko lamang natatanaw?
© Nyx