...

2 views

TALA: MGA MENSAHE MULA SA KALAWAKAN


Ikalawang mensahe mula sa kalawakan,
magningning ka aking kaibigan.

02: BUWAN

Hinahambing kita bilang isang buwan. Kahit gaano ka lamunin ng dilim sa tuwing sasapit ang gabi. Nananatili ka pa ring tagagabay sa mga taong hindi makakita sa dilim. Kahit na nilalait ka na nila, kung ano-anong salita na ang natatanggap mo sa iba. Kahit sa mga gabing hindi ka buo, hindi ka sapat para sa kanila, dahil sa mata nila, minsan ka lang makagawa ng tama at 'yon kapag ikaw ay buo.

Pero hindi nila alam. Hindi sa lahat ng nakikita nila ay totoo. May kinukubli ang mata ng tao. Dahil ni minsan ay hindi ka naman talaga nagkulang. Buong-buo ka at hindi lang nila makita.

Hindi ka rin nag-iisa sa gabing malungkot ka, sa gabing akala mo wala ka ng kasama, wala ng nakakaintindi sa 'yo. Pero gaya nila, may kinukubli rin ang mata mo. Dahil hindi ka nag-iisa, hindi ka napag-iiwanan, at hindi ka nahuhuli. May mga talang nagniningning sa iyong tabi. Sinasamahan ka sa tuwing sasapit ang gabi. Kahit minsan may mga gabing hindi kayo nakikita sa kalawakan, may mga gabing hindi ka namin nakikitang buo, pero sa katunayan ikaw ay may tinatago. May mga hinaharap kang laban ng patago, dahil ayaw mong may mag-alala sa iyo. Kahit na punong-puno ka na ng galos, paulit-ulit ka ng nasasaktan, mas pinipili mo pa ring manatili sa bawat gabing nagdaraan.

Kaya sa tuwing sasapit ang gabi. Asahan mong titingala ako sa kalawakan para ika'y pagmasdan. Para maramdaman mong narito lang ako, kami, hinahangaan ang ganda at tapang mo. Sumusuporta sa tiyaga mo. Dahil ikaw ang buwan, walang makakapantay sa ganda mong taglay.


© rys