...

14 views

Invisible Red String Of Love.
"Sa isang hindi malamang dahilan ay bigla akong naniwala sa paniniwala ng buong angkan naming Rivas.









Noong bata pa ako ay naririnig ko ang tungkol dito na pinag-uusapan nila ang, 'Invisible Red String Of Love'. Hindi ko pa maintindihan dati dahil hindi ko pa nasubukan umibig.





Pilit ko iniintindi kung ano iyon. At kung bakit alam nilang 'Red String' ito kung invisible naman? Diba? Mayroon akong point doon?





Ilang beses ko tinanong sila papa at mama pero tinatawanan nila ako tuwing iyon ang bukambibig ko. Na balang araw maiintindihan ko kung ano nga ba iyon kapag nadama ko na.




Ano ulit? Invisible na Red String tapos madadama ko? Ang punto doon bakit may 'keme' pang ganoon sila at ayaw na lang sabihin na ayaw nila ipaliwanag.




Natanong ko narin sila lolo at lola tungkol doon pero ngiti lang isasagot. Kung alam ko lang na sagot ang pag ngiti sana iyon ang sinagot ko sa aking mga naging guro noong tinatanong ako kung ano ang meaning ng 'x'.







Patawa talaga. Kilala pa naman silang matalinong tao tapos pagpapaliwanag lang hindi pa magawa. Naiiling ako doon.







At ng minsan akong umibig na nauwi sa pagka-sawi ay unti-unti akong naliwanagan na ang 'Red String Of Love' ay isa lamang kathang-isip. Na hindi ito literal talaga, at hindi nakikita pagkat ito'y nararamdaman mo.








At ngayon sa aking pagkasawi sa pag-ibig mas naintindihan ko na isa itong expresyon. Na siya lamang aking nakikita, gustong makasama at madami pang iba. Na sa kanya ko lamang nakikita ang aking sarili na sasaya at wala ng iba pa.








Tingin ko noon ay siya na talaga ang para sa akin pero hindi, dahil mas pinili niya ang iwanan ako. At kahit na labag sa kanyang kalooban ay iyon ang kinahantunggan ng aming pagmamahalan.








Kaya ito ako ngayon, pilit na ngumingiti at itinatago ang sakit sa aking mga ngiti. Na minsan ka na nga lang magmahal ito pa ang kinahantungan.








Akala ko noong bata pa ako ay totoo ang 'happy ending' tulad ng nasa librong nababasa ko pero hindi. Dahil lahat may hangganan, lahat natatapos at higit sa lahat ay mayroong mga mas pinipiling matapos na lang.







Alam kong pinahalagaan din naman niya ako at kung ano ang namamagitan sa amin, pero hindi pala sapat na mahal niyo lang ang isa't-isa. May isang bagay siyang kinalimutan gawin, at ito ay ang panindigan at ipaglaban ako at kung ano ang mayroon kami.








Na mas pinili niyang maging masaya ang iba kaysa sa sarili, na mas pinili niya akong saktan at hindi ipaglaban sa mga magulang niya.







At ang mas masakit doon, mabilis niya akong binitawan tulad ng pagbibitaw niya ng mga katagang, "Walang iwanan, hindi kailanman mababago ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi nila mabibili ang aking desisyon na ikaw ang mahal at pinili ko."







Pero nasaan siya pagkatapos ng isang linggo? Nandoon sa simbahan, nagpakasal sa lalaking ipinagkasundo sa kanya ng mga magulang niya para sa pangkabuhayan nila.






At dahil isa akong dakilang masokista ay nagawa ko pang dumalo, hindi para pigilan ang kasal kung hindi ay para panoorin kung sapat ba na minahal at minamahal ko siya para tumutol kahit sa huling sandali.







Hanggang sa natapos ang kasal ay wala akong nakitang hesitasyon sa kanya ng sumagot siya ng, "I do."








Nasaksihan ko ng aking dalawang mga mata na, hindi nga ako isang sapat na dahilan para maipaglaban kahit sa mga sariling magulang niya. Na kahit na nakita niya akong nanonood ay hindi siya nagdalawang isip na isagot ang dalawang salita na wawasak sa puso ko.








Binigay ko ang lahat, pero hindi ito naging sapat para ako ang piliin niya. Na kahit lahat ay kaya kong gawin para sa kanya at napatunayan ko kung gaano ko siya kamahal ay hindi parin pwede.








Siguro nga totoo na may mga taong sadyang dumadaan lang sa buhay mo, at iilan lamang ang pipiliin na manatili. Na sila ang magiging sagot sa mga katanungan mo.







Hindi ko magawang magmahal ng iba at basta kalimutan siya dahil pinanghahawakan ko parin na hindi ako iibig kung hindi rin siya ang taong iyon. Mas pipiliin kong masaktan ng ganito kaysa ipilit ang hindi kaya ng puso ko.








Araw-araw at gabi-gabi ay hindi nawawala sa akin ang mga katanungan na, "Ayos lang ba siya?", "Kumakain ba siya ng tama?", "Masaya ba siya sa piniling daan niya?", "Naiisip rin kaya niya ako tulad ng pag-iisip ko sa kanya?" At higit sa lahat ay ang tanong na, "Mahal pa rin ba niya ako o minahal nga ba niya talaga ako?"






Napapailing ako sa huling tanong sa isip ko, dahil alam ko ang tunay na sagot doon. Nararamdaman ko naman na 'oo' ang sagot kaso nga lang ay hindi kayang tumbasan nito ang pagmamahal niya sa sariling magulang.




Mula sa malayo ay palagi akong naka tanaw, iniisip na sana ay balang-araw magbago ang lahat at bumalik sa dating mayroong 'kami'.






Nagpakalayo ako upang pilitin na kalimutan siya ngunit sa tuwing gagawin ko ang bagay na iyon ay palaging naaalala ko ang aking pangako na hindi na magmamahal pa.





Ngayon ay ang aming ika-limang anibersaryo kung hindi siya nagpakasal sa iba. Ang araw na hindi ko malilimutan, ang araw kung saan ay nagtapat at nagpakatotoo siya sa sarili na minamahal niya rin ako.





At ang araw na nakita ko sa aming mga sarili ang 'Red String', dahil nasaksihan din ito ng pagbaba ng araw at ito ay ang aming pagmamahalan. Sa ilalim ng punong aking sinisilungan ay ang aming mga pangalan na naka ukit sa tumatandang katawan nito.







Ito din ang saksi sa mga pangakong binitawan namin para sa isa't-isa, at sa una't huling halik na ginawad niya sa akin bago namaalam na magpapakasal na sa iba.







Aking pinikit ang mga mata, lahat ng nangyari ay biglang nagbalik sa aking alaala na parang kahapon lamang. Handa na akong palayain ang aking puso, "Kung nasaan ka ngayon mahal sana ay malaman mong handa na akong kalimutan ka. Handa na akong parayain ang puso na ikaw ang parating sinisigaw."







"Paano ba iyan mahal? Nandito na ako at hindi na kailanman iiwan ka." Isang tinig na kahit kailan ay hindi ko malilimutan at galing sa babaeng aking minamahal. Aking minulat ang mga mata at hinarap ang taong nagsalita, ito siya ngayon. Naka tayo sa aking harapan na maganda parin.







Paano? "Totoo ba ito?" Isang tanong ang lumabas sa aking bibig.






Siya'y ngumiti, "Oo mahal nandito talaga ako. At ngayon tayo magsisimula ng bago, paninindigan ko ang pinili ko. Medyo nagtagal nga lang pero handa na silang tanggapin ang totoong ako at ngayon ipakikilala ko sa kanila ang taong nagmulat sa akin at nagturo ng walang kapantay na pagmamahal."






At tulad ng paniniwala ng aking pamilya, ay naramdaman ko muli ang 'Red String' na muling umugnay sa aming dalawa. At doon ko napagtanto na hindi lang siya dumaan sa buhay ko, siya'y nilaan talaga para sa akin."






"At doon nagtatapos ang aking sinulat na 'Invisible Red String Of Love' salamat sa pakikinig." Naka ngiting saad ko sa harapan ng lahat. Sila'y nagpalakpakan at ang iba ay talagang bakas ang pagkabilib sa aking ipinasang storya.





#TagalogStory
#Heartbreak
#TrueLove
#LoveConquers
#ForbiddenLove


@kjmontria