...

6 views

Butas sa Kisame
Maulan ang buong magdamag. Napansin ni Arne ang tulo mula sa kanilang kisame habang s’ya ay nakatulala sa kawalan at saktong nagmumuni. Nagmula ang tulo ng tubig sa butas na maliit lang ngunit nakakuha ng kanyang atensyon ng hapon na iyon. Matagal na din ang butas, sabi ng kanyang ina sa kanya, mga isang taon na din at dahil siguro sa walang ibang ginagawa kundi magbasa, manood sa telebisyon, matulog sa kwarto ng kanyang kapatid, at maglaro ng Pokemon cards kaya bigla nyang napansin ito sa mga oras na iyon. Nasabi nya na ito sa kanyang ama na ipinagawa ito ng nakaraang buwan at nagawan ng paraan sa pamamagitan ng paglalatag ng lona at pagtatali niyon sa bawat sulok ng bubungan nila.
Ngunit kahit na gayon ay tumutulo pa din at kumakalat sa kisame ng kwarto nila ang basa mula dito at naisip nyang maaaring iyon ang ikasira ng kanilang kisameng kahoy. Dagdag pa aniya, ang tulo ay napupunta din sa kurtina na hindi naman pansin ng kanyang ama ngunit kapag lumaon ay nababasa nito ang kalahati ng kurtina nila sa kwarto.
Sinabi n’ya ito sa kanyang ama noong ito ay umakyat sa kanilang kwarto para makipag kwentuhan ngunit hindi ito umimik… ilang beses niyang sinabi… ngunit walang imik.
Naalala bigla nya na sa dati nilang bahay bago sila lumipat sa tinitirhan nila ngayon, napakadaming butas ngunit natatakpan nila, may umaagos pa na tubig sa sahig tuwing malakas ang ulan ngunit nakakagawa sila ng paraan para hindi mabasa ang kanilang mga gamit sa ilalim ng kama at sa mga kahon na nakaimbak ang kanyang mga pinakamamahal na libro. Sa mahabang panahon ay marami nang nakitang mga butas na may tumutulong tubig si Arne… sa mga pampublikong pasilidad… tulo mula sa lumang Post Office na kanyang binibisita tuwing mag papadala ng sulat, sa mga bahay ng kanyang mga kaibigan, sa Simbahan … ngunit ang di maalis sa kanyang isip ay yung butas sa bahay ng kanyang lolo sa lalawigan.
Halos pitong na taon na din ang lumipas, nang ang kanyang lolo Vincent ay matamaan ng sakit na Stroke sa kalagitnaan ng mga buwan ng Setyembre hanggang Oktubre na nag pagulat sa kanyang pamilya at nagpalungkot sa kanya noong mga panahong iyon. Isang masigla, pala-ehersisyo, at masipag na lolo… bakit siya tatamaan ng isang sakit na nakapag paralisa sa kanyang katawan? Ang tanong na gumulo sa kanyang isip halos sa natitirang buwan ng taon.
Hindi nya masabi na masaya ang mga panahong iyon kahit maraming dahilan para magpakasaya… sumagi sa isip nya ang mga kataga ng mga matatanda na, “Ang Hayskul ang pinakamasayang parte ng buhay pag-aaral kasi doon mo mararanasan ang mga bagay na hindi mo nagawa noong nasa elementarya.” Oo nga naman… ngunit kahit pilitin ay hindi mawala ang lolo Vincent nya sa kanyang isip dahil sa hindi naman nila ito kasama sa bahay at nasa lalawigan ito kapiling ang mga tagapag-alaga.
Disyembre, napag pasyahan ng kanyang ama na pauwiin sila sa lalawigan ng kanyang lolo. Hindi sumama ang kanyang ama dahil sa trabaho sa siyudad at sinabi nito na isama siya sa pangangamusta nila sa kanyang lolo,sabihin na din ang dahil kung bakit di siya nakasama ngunit binanggit nito na pupunta ang kanyang ama kasama si Arne sa lalawigan para kunin ito sa susunod na taon sa lalong madaling panahon, kaya silang mag iina ang umuwi sa lalawigan, halo ang pakiramdam ni Arne habang sila ay nasa byahe dahil hindi pa nya nakitang nag kasakit ang lolo Vincent kahit noong kasama pa nila ito sa bahay at kapag nasa lalawigan siya’t nakatira sa bahay nito tuwing bakasyon.
Ang pagdating nila sa bahay ng kanyang lolo ang nag pabago sa kanyang pananaw sa buhay na dati ay panatag, dahil matapos ang pagkakataon na iyon ay naging iskeptikal ang kaisipang namutawi sa kanya dahil sa napakaraming tanong na nagkumpulan sa isip nya… mga tanong na hindi nya pa naitanong sa masaya at makabuluhan nyang buhay bago ang pangitaing nasaksihan niya. Kada hapon at gabi ay umuulan dahil na din sa ang buwan ng Disyembre ay malamig. Habang umuulan ng malakas, nakita niya ang butas sa kisame, nagbulwak ito ng napakaraming tubig, nasabi sa kanya ng isa sa mga tagapag-alaga ng kanyang lolo na nabulok at nabutas na ang bubong. Nabutas dahil nabulok… nabutas dahil matanda na ang bahay naging tahanan nya sa loob ng maraming taon ng pagbabakasyon sa lalawigan, naging pugad ng makabuluhang kwentuhan at alaala ng kahapong hindi na maibabalik dahil ang haligi nito ay tumanda’t nabubulok na. Naalala nya ito kada umuulan at may tubig na umaagos sa kisame ng bahay ng kanyang lolo.
Nanatili ang butas na ito sa kanyang puso, isang maliit na butas na may kaunting kalawang… kinakalawang at nasisira. Pagkalipas ng ilang taon matapos na nilang maiuwi sa bahay nila sa siyudad ang kanyang lolo para magpagaling sa sakit nito ay binawian ito ng buhay dala ng kumplikasyon. Alam sa sarili ni Arne na maaari pa sanang nabuhay ang kanyang lolo Vincent kung maagap at gumawa ng paraan ang kanyang ama para tulungang gumaling ito ngunit ang tanging salitang narinig niya rito noong nag hihingalo ang lolo Vincent niya ay “Hanggang dito na lang ang kanyang nakayanan,wala na tayong magagawa.” Isang paraan para bigyang diin na wala na talagang pag-asa at ang remedyo ay hayaan na lamang mangyari ang dapat mangyari… Isang salita ng pagkilos upang ipaintindi na tama ang hindi kumilos dahil mangyayari ang kasamang palad kahit anong pilit nating takasan… Isang maikling pangungusap ngunit pinatahimik siya nito hanggang sa mailibing ang kanyang lolo Vincent… ang katahimikang ito ay kabaligtaran ng lumaki at tuluyan nang nabulok na butas sa kanyang puso na hindi na malalagyan ng lunas ang puwang na nalikha ng isang pagkawala… Pagkawalang hindi na maibabalik ng anumang bagong alaala ni bagong pakikisama.
Naglaro sa kaniyang isip ang mga bagay bagay tungkol sa tulo ng tubig sa butas na kisame. Naisip nya habang nakaupo’t nagbabasa ay bakit mas kumikilos ang kanyang ama sa kanilang pakiusap na gawan ng paraan ang napakaraming butas ng kanilang bahay ngunit sa isang maliit na butas sa kisame ng kanilang bagong bahay ay ‘di ito kumilos man lang?
Ang mga bagay na ito na gumagambala sa kanya ngunit pinili na lang nya na tumahimik at ituloy ang pagbabasa, napapansin nya na sunod sunod ang mga tulo mula sa kisame nila kasabay ng lumalakas na pag ulan.

June 9, 2020
9:44 PM
© Toothpick