...

2 views

Alaala

marahil may mga panahong bumabalik sa akin ang lahat ng alaala ng lumipas. may mga pagkakataong nais ka muling makasama, maramdaman ang sayang walang humpay. mga oras na umaasa pa rin sa tadhana na baka may pag-asa pa, hindi lang siguro ngayon at merong tamang panahon.

aaminin ko, nalilito pa rin ako. kung bakit sa tagal nating magkasama ngayon pa nanlabo ang damdamin mo. bigla kang nagbago, bigla kang nanlamig. sinubukan ka namang kumutan pero ayaw mo ng lambot, sinubukan kang bigyan ng kape pero ito’y pinaghintay mo, pinaghintay mo hanggang sarili na mismo nito ang napagod, napagod panatiliing mainit ang sarili na para sana sa paghigop mo maibsan kahit konti ang lamig na nararamdaman mo. pero wala ka na yatang pake. yung dating sabi mo sa akin ay hindi mo hahayaang lumuha ang mga mata ko, ikaw na mismo ang dahilan ng pagkabasa nito.

kaya ititigil na muli ang pag-alala sa ‘yo. hindi na muling aasa pa na babalik ka pa. hindi ka na hihintayin pa sa loob ng bahay, papanoorin at hihintaying bumukas ang pinto, at sa pagbukas noon ay ikaw ang masisilayan ko. marahil sa isip ko na lamang ikaw ay maaalala, dahil ang salitang IKAW ay lumisan na.

© rys
@ubik