...

7 views

Bulok
"Bulok"
Ni Arabella Dapilloza


Nakakadiri
Mga taong titignan ka sa mababang perspektibo
Dudungaw-dungawin lang
Mga biyayang reklamo
Magbibingi-bingihan
Sa pinaglalaban mong pagbabago
Marahil iniisip nilang
Makitid ang utak mo
Depektibo
Maluwag ang turnilyo
Dahil di ka umaayon sa gusto
Ng mga bakod na nilagay ng lipunan para sayo
Nilagay para di ka humakbang sa linya
At napakaraming limitasyon mo
Sa katotohanan
Sa dapat sumagi sa isip mo
Sa dapat mong malaman
Di pa rin natatauhan
Habang naroon sila sa loob
Nagpapapresko, nagpapabango
Mga pangalang matunog
Masakit sa pandinig
Kinukutya ang kamangmangan mo
Pinaglalaruan karapatan mong parang bola
Na di labag sa loob mong ipinaubaya
Bibilug-bilugin ka
Inaapakan ang buong pagkatao
Hindi naman sisidlang walang laman ang utak mo
Na paglalagyan ng bawat salitang alam mong wala sa tama
Nakapananakit ng moralidad
Malinamnam kung pakikinggan
Ngunit tila prutas na sira
Sa pandinig ng mapanindigan
Walang sustansya, walang substansya
Pero bakit tatango-tango ka sa manipulasyon nila?
Kakainin pa rin ang mga salitang sira,
Ang di kumain ang may sira,
Siguro nga nahihibang ka na,

Kumusta ka, Jose Rizal?
Pupwede ka bang bumangon sa pagkahimlay
Pinaglalamayan na ang pinaglaban mong kamalayan,
Pinaghirapan mo pang bawiin ang Pilipinas sa banta ng mga dayuhan,
Paano kung ang mamamayan na ang tumalikod sa sariling bansa nito?
Di pa yata sapat ang serye mo ng Noli at El Filibusterismo,
Dahil sa puntong isinuko ng tao ang kanyang karapatan,
Sa puntong sumapi na ang karahasan at patuloy ang pagmamaang-maangan,
Sa puntong naniwala kang tama ang pang-aalipusta sa sarili mong mamamayan,
Sa puntong kinampihan mo kinikilala mong 'pinuno',
Pilipino, ikaw na ang nagdudulot ng kamatayan ng sariling bansa mo